Matapos ang dalawang taon na paghihintay dahil sa COVID-19 pandemic, magkakaroon muli ng pagtitipon ngayong araw para sa paggunita ng ika-442 na founding anniversary ng lalawigan ng Pangasinan o mas kilala sa tawag na Agew ng Pangasinan.

Ayon kay Malu Elduayan, Provincial Tourism Officer ng lalawigan na gagawing simple ngunit makabuluhan ang gagawing mga programa para sa pagseselebra ng lalawigan sa araw na ito.

Sa ganap na alas-7 ng umaga, magaganap ang Misa ng Pasasalamat na pangungunahan ni Arch. Socrates Villegas. Pagkatapos nito, gaganapin naman sa Sison Auditoruim ang Pangasinan Tourism and Trade Expo na siyang magpapakikita ng mga produkto sa probinsya na malaking tulong para sa mga MSMEs na magbebenta nito.

--Ads--

Bukod pa rito, ilulunsad naman sa ganap na alas-3 ng hapon, bubuksan naman sa publiko ang Abig Sinig Visual Art program sa Casa Real sa bayan ng Lingayen.

Sa gabi naman, may mga magtatanghal na mga local artist mula sa lalawiga para sa inorganisang konsyerto para sa mga Pangasinense sa Capitol beachfront.

Hinikayat naman ng naturang opisyal ang mga nais na makilahok na huwag kalimutang bumili ng mga produkto ng lalawigan para makatulong sa mga local MSMEs.

Nagpaalala naman si Elduayan, na sa paglahok sa mga aktibidad sa Agew ng Pangasinan na sumunod pa rin sa mga ipinapatupad na mga health protocols upang maging ligtas ang lahat mula pa rin sa banta ng pandemya.