Dagupan City – Ipinagdiwang ang ika-26 na anibersaryo ng “twinning agreement ” sa lungsod ng Dagupan at Milpitas matapos opisyal na bumisita sa Estados Unidos.
Pinangunahan ito ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez, kung saan nakipagkita sila sa mga opisyal ng lungsod ng Milpitas katuwang ang mga opisyal mula sa lokal na pamahalaan ng Dagupan, tulad ng City Legal Officer, Chief of Staff, mga hepe ng iba’t ibang departamento, ilang mga sk offical, at mga mag-aaral.
Sa okasyong ito, binigyan sila ng pormal na pagkilala bilang tanda ng patuloy na pagkaka-kasunduan at pagtutulungan ng dalawang lungsod sa larangan ng kultura, edukasyon, at pag-unlad ng ekonomiya.
Ayon sa alkalde, malaking bagay ang sister city nila sa Estados Unidos na patuloy na sumusuporta at nakikipagtulungan sa lungsod.
Bukod sa mga karanasang natutunan ng mga estudyante mula sa Milpitas, marami pang matututuhan ang lokal na pamahalaan ng Dagupan mula sa kanilang mga proyekto at patakaran. (Justine Ramos)