Matagumpay at mapayapang naisagawa ang paggunita ng Rizal Day ngayong Disyembre 30 sa Dagupan City Plaza, bilang pag-alala sa ika 129 anibersayo ng pagkamartir ng pambansang bayani na si Dr. Jose Protacio Rizal Mercado y Alonzo Realonda.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng taunang paggunita ng lungsod upang bigyang-pugay ang buhay at kabayanihan na iniwan ni Rizal para sa sambayanang Pilipino.
Pinangunahan ang programa ng Local Government Unit (LGU) ng Dagupan City sa pamumuno ni City Mayor Belen T. Fernandez, na sinamahan ni Vice Mayor Bryan Kua at ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod.
Sama-sama nilang isinagawa ang wreath-laying ceremony sa bantayog ni Dr. Jose Rizal.
Dumalo rin sa okasyon ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at sektor ng lipunan. Kabilang dito ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Aktibong nakiisa rin ang Department of Education (DepEd) kasama ang mga guro, mag-aaral, at mga opisyal nito.
Hindi rin nagpahuli ang mga organisasyong pangkabataan at sibiko tulad ng Girl Scouts of the Philippines (GSP) at Boy Scouts of the Philippines (BSP).
Bukod dito, dumalo rin ang mga miyembro ng Knights of Columbus, mga kinatawan mula sa iba’t ibang Masonic Lodges, at iba pang samahan at institusyon sa lungsod.










