Nasa mahigit 662,000 na ang kabuuang nakatapos ng Step 1 registration sa lalawigan ng Pangasinan para sa Philippine Identification System (PhilSys) o ang national ID.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Edgar Norberte, Provincial Statistics Officer ng Philippine Statistics Authority (PSA) Pangasinan, nasa humigit 204,000 naman ang mga nakakompleto na sa Step 2 registration.
May 2, 2021 naman nang magsimula ang naturang tanggapan na mag-deliver ng PhilSys Number (PSN) at PhilID sa mga permanent address ng mga nakatapos na sa Step 2 registration.
Kasalukuyan namang hinihintay ng PSA Pangasinan ang karagdagang 165 registration kits hanggang sa katapusan ng buwan ng Mayo ngayong taon mula sa lalawigan ng Ilocos Sur at La Union.
Dagdag ito mula sa 108 registration kits na kanilang gamit sa ngayon para sa 41 mga bayan at siyudad sa lalawigan.
Habang target PSA Pangasinan hanggang sa buwan ng Disyembre ngayong taon na makapag rehistro ang kalakhang populasyon nito para sa Philippine Identification System (PhilSys).
30 registrants ang maaaring i-accommodate kada registration kit ngunit kanilang inaabot ang hanggang 45 registrants.
Paalala nito na para sa mga nakatapos na ng Step 1 registration ay hintayin lamang ang kanilang text message para sa kanilang schedule sa susunod na step upang maiwasan ang pagkukumpol-kumpulan ngayong mayroon pa ring COVID-19 pandemic.
Babala naman ng PSA Philippine Identification System facebook page na lahat ay mag-ingat sa fixers at scammers na huminhingi ng bayad kapalit ng parerehistro sa PhilSys.
Libre ang buong proseso ng pagpapa-rehistro para sa national ID at wala ring delivery fee ba hihingiin ang PHLPost, na siyang opisyal na nagpapadala sa permanent address ng sinumang registrants.
Samantala, hanggang ngayon ay hinihintay pa rin ng enumerators ng PSA Pangasinan ang kanilang sahod sa buwan ng Abril, ngayong taon.
Ito ay sapagkat nagkaroon na naman umano ng problema mula sa kanilang national agency dahilan kung bakit naaantala ang sahod ng naturang enumerators.
Ngunit binigyang linaw naman nito na naibaba na sa regional office ang karampatang sweldo ng mga naturang manggagawa.
Samantala, binigyang diin ni Norberte ang kahalagahan ng naturang unified ID system.
Aniya, ito ay upang magkaroon ang low-income households ng pagkakataon na ma-improve ang kanilang financial inclusion at mabigyang oportunidad ang mga ito na makapasok sa formal financial system.
Layunin ng nasambit na unified ID system na mapalitan at maabot ang requirements sa mga bangko nang makapag bukas ang mga ito ng sarili nilang account na kung saan, sa ngayon ay nangangailangan ng hangga’t maaari ay dalawang proof of identity cards.
Samantala, sinabi rin ni Norberte na plano pa rin nilang ibalik ang pagsasagawa ng Step 1 registration mula sa mga bahay-bahay.