Hiniling ng prosecution ng International Criminal Court (ICC) sa mga hukom na tanggapin bilang ebidensiya ang isang expert report at mga naunang naitalang testimonya ng tatlong saksi sa kasong crimes against humanity laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte.

Sa mga dokumentong inihain noong Oktubre 23, hiniling ng prosecution na isama ang expert report ng witness at testimonya ng tatlong iba pa.

Mananatili namang bukas ang pagkakataon ng depensa na tanungin at I-cross-examine ang mga saksi sa korte.

--Ads--

Ayon sa prosecution, may kaugnayan ang mga testimonya sa mga umano’y pagpatay at sa alegasyong may patakarang gumamit ng karahasan upang “I-neutralize” ang mga pinaghihinalaang kriminal.

Iginiit din nitong magkakatugma at nagpapatibay sa isa’t isa ang mga pahayag ng tatlong saksi.

Wala pang desisyon ang Trial Chamber iii sa mga kahilingan.

Nakatakda ang final status conference sa Nobyembre 2, bago ang pagsisimula ng paglilitis kay Duterte sa Nobyembre 30.

Nahaharap ang dating Pangulo sa mga kasong may kaugnayan sa umano’y extrajudicial killings sa drug war noong siya ay pangulo at alkalde ng Davao city.