DAGUPAN CITY – Pinirmahan ni US pres. Donald Trump ang isang executive order na nagpataw ng mga parusa sa International Criminal Court (ICC), na inakusahan ng paggawa ng hindi lehitimo at walang basehang mga hakbang laban sa Amerika at sa malapit na kaalyadong Israel.
Ang hakbang na ito ay nagpapataw ng mga limitasyon sa pananalapi at visa sa mga indibidwal at kanilang mga pamilya na tumutulong sa mga imbestigasyon ng ICC laban sa mga mamamayan ng Amerika o kanilang mga kaalyado.
Pinirmahan ni Trump ang kautusang ito habang bumibisita si Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu sa Washington.
Noong Nobyembre, naglabas ang ICC ng isang warrant of arrest laban kay Netanyahu kaugnay sa mga sinasabing war crimes sa Gaza, na ikinakalaban ng Israel. Naglabas din ang ICC ng warrant laban sa Hamas commander.
Isang fact sheet mula sa White House na ipinakalat noong Huwebes ang nag-akusa sa ICC na bumuo ng isang “shameful moral equivalency” ” sa pagitan ng Hamas at Israel sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga warrant nang sabay.
Ayon sa executive order ni Trump, ang mga kamakailang aksyon ng ICC ay naglalagay umano sa mga Amerikano sa panganib sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanila na makaranas ng pang-aabuso, harassment at posibleng pag-aresto.
Idinagdag nito na ang parehong bansa ang US at Israel ay mga umuunlad na demokrasya na may mga militar na mahigpit na sumusunod sa mga batas ng digmaan.
Ang Estados Unidos ay hindi miyembro ng ICC at paulit-ulit na tinanggihan ang anumang hurisdiksyon.