Pinalawig ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang deadline para sa pagsusumite ng mga komento mula sa prosecution, depensa, at kampo ng mga biktima kaugnay sa ulat hinggil sa kalagayan at kakayahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na makadalo sa mga pagdinig ng kanyang kaso.

Sa panayam kay Rubylin Litao Coordinator ng Rise Up for Life and for Rights, sinabi nitong kinikilala nila ang mga legal na proseso ng International Criminal Court at patuloy silang umaasa na magiging malinaw ang magiging pasya ng korte sa isyu ng kondisyon ng dating pangulo.

Ayon kay Litao, mahalaga ring personal na makita ang dating pangulo sa mga pagdinig upang masuri ang tunay nitong kalagayan, bagama’t kinikilala nila ang karapatan nito na hindi dumalo.

--Ads--

Tinukoy din niya ang patuloy na pagbusisi ng ICC sa kakayahan ni Duterte na humarap sa paglilitis, kabilang ang kanyang kalusugan, matapos siyang magdesisyong huwag dumalo sa isang nakaraang status conference.

Ibinahagi rin ni Litao na patuloy ang paghahanda ng kampo ng mga biktima ng mga extra-judicial killings (EJKs) upang makapagbigay ng testimonya, maging sa pamamagitan ng video conference o written statements, sakaling hindi makabiyahe ang ilan patungong The Hague, Netherlands.

Nanawagan ang grupo sa pamahalaan na makipagtulungan sa proseso ng ICC at suportahan ang paghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng war on drugs at iba pang umano’y paglabag sa karapatang pantao.

Binigyang-diin din niya ang panawagan para sa pananagutan ng mga opisyal na umano’y may kinalaman sa mga kaso, kabilang si Senador Ronald dela Rosa, na binanggit ng ilang grupo sa mga naunang reklamo.

Ayon sa kampo ng mga biktima, patuloy ang kanilang koordinasyon sa iba’t ibang civil society groups at mga simbahan upang makalikom ng suporta at mapalakas ang kanilang partisipasyon sa proseso ng paglilitis, kabilang ang posibleng pagdalo sa The Hague.