Ikinatuwa ng grupong Rise Up for Life and For Rights ang desisyon ng International Criminal Court na may hurisdiksyon ito sa mga kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Rubilyn Litao, coordinator ng grupo, mahalaga ang naturang desisyon lalo na para sa mga pamilya ng mga biktima. Aniya, ipinapakita nito na kinikilala ng ICC ang kapangyarihan nitong ipagpatuloy ang proseso ng kaso.
Dagdag pa niya, ang usapin ng hurisdiksyon ang isa sa pinakamalaking balakid sa kaso. Kung napagdesisyunan umano na walang hurisdiksyon ang ICC, maaaring mawalan ng saysay ang iba pang mga kaso at posibleng makalaya ang dating pangulo.
Umaasa rin ang grupo na mananagot din ang mga sinasabing co-perpetrators, kabilang si Bato dela Rosa.
Binigyang-diin din ni Litao na ang desisyong ito ay nagsisilbing paalala sa mga lider sa buong mundo na hindi dapat gamitin ang kapangyarihan upang abusuhin ang iba. Aniya, ang kumpirmasyon ng mga kaso laban kay Duterte sa ICC ay nagpapakita sa publiko na may pananagutan ang mga lider at may kaakibat na konsekwensya ang kanilang mga aksyon.










