DAGUPAN CITY—Nagbabala si Sonny Africa, executive director ng IBON Foundation, na may malaking posibilidad na muling tumaas ang inflation rate sa Pilipinas dahil sa umiigting na tensyon sa Gitnang Silangan.

Sa isang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Africa na maaaring maapektuhan ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa digmaan sa rehiyon, partikular sa mga magkasanib na pag-atake ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran. Aniya, direktang o hindi direktang umaasa ang Pilipinas sa inaangkat na langis mula sa Gitnang Silangan, kaya anumang kaguluhan sa rehiyon ay may potensyal na magdulot ng pagtaas ng presyo ng enerhiya sa bansa.

Bukod dito, tinukoy rin ni Africa ang umano’y kabiguan ng pamahalaan na maayos na makontrol ang presyo ng langis sa bansa, lalo na sa ilalim ng Oil Deregulation Law.

--Ads--

Bilang halimbawa, binanggit niya ang nangyari noong nakaraang taon kung saan bumagsak nang malaki ang presyo ng global crude oil—umaabot umano sa hindi bababa sa 70% rollback sa simula ng 2025. Gayunman, ayon sa kanya, hindi ito nasundan ng katumbas na rollback sa presyo ng langis sa Pilipinas.

Dahil dito, sinabi ni Africa na dapat mas tutukan ang tanong kung ang mga pagtaas ng presyo na ipinapataw ng mga oil companies ay tunay na naaayon sa galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Samantala, naglatag din siya ng ilang alternatibong hakbang upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa imported na langis. Kabilang dito ang pagpapabuti ng pampublikong transportasyon, dahil malaking bahagi ng konsumo ng langis ay mula sa mga pribadong sasakyan.

Iminungkahi rin niya ang pagpapatupad ng electric mass transport systems at ang mas seryosong paglipat ng bansa sa renewable energy sources. Ayon kay Africa, matagal nang inirerekomenda ang ganitong mga hakbang at dapat sana’y naipatupad na, lalo na’t mayaman ang Pilipinas sa mga mapagkukunan ng renewable energy.

Babala niya, kung hindi ito maisasakatuparan, mananatiling nakadepende ang bansa sa pandaigdigang pag-angkat ng langis at patuloy na maaapektuhan ng mga krisis at pagbabago sa presyo sa global market.

Dagdag pa niya, kung ang malalaking kumpanya ng langis ay patuloy na may impluwensiya sa matataas na posisyon sa pamahalaan, maaaring matagal pang makita ang tunay na hakbang tungo sa energy independence ng bansa.

Sa huli, sinabi ni Africa na ang pangunahing maaapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at inflation ay ang mga karaniwang Pilipino, kabilang ang mga tsuper, magsasaka, mangingisda, at mga commuter.