DAGUPAN CITY—Nanawagan si IBON Foundation Executive Director Sonny Africa na huwag masyadong magpokus sa corruption perceptions index at sa pagbabago ng ranking ng Pilipinas, kundi sa aktuwal na mga kaso ng korupsiyon na kinahaharap ng bansa.

Ayon kay Africa, mahalagang tingnan ang perception index dahil ipinapakita nito kung napapansin ng publiko ang isyu ng korupsiyon.

Gayunman, iginiit niya na hindi sapat na doon lamang ibase ang paghusga. Aniya, maaaring mababa ang perception ngunit naitatago lamang ang korupsiyon, at maaari ring mataas ang perception dahil may mga nabubunyag na eskandalo.

--Ads--

“Huwag tayo matakot kung mataas ang perception index kung hinaharap naman ang korupsiyon. At huwag din tayo maging kampante kung maganda ang ranking dahil maaaring naitatago lang ang problema,” paliwanag niya.

Para kay Africa, mas mahalaga ang pagtugon sa mga seryosong alegasyon ng korupsiyon. Aniya, kahit allegation pa lamang ang mga ito, dapat umanong magsagawa ng masusing imbestigasyon ang pamahalaan, kabilang ang Kongreso at mga anti-corruption agencies, upang matukoy kung may batayan ang mga paratang.