Dagupan City – Tinawag na “lutang” ng IBON Foundation ang Department of Trade and Industry (DTI) matapos sabihin ng ahensya na kaya umano ng isang pamilyang Pilipino ang makapaghanda ng Noche Buena gamit ang ₱500.
Ayon kay Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, malinaw na ipinapakita ng pahayag na ito ang matinding double standard ng pamahalaan—magkaiba ang pamantayan para sa mayayaman at para sa mahihirap.
Aniya, hindi raw nasasapol ng gobyerno ang tunay na pangangailangan ng karaniwang pamilyang Filipino sa pagdiriwang ng Pasko.
Giit ni Africa, bilang ahensyang may mandato sa presyo ng bilihin, dapat mas may malinaw na pag-unawa ang DTI sa totoong gastos ng mga mamimili.
Tinawag niya namang “gaslighting” ang pagsasabing sapat ang ₱500 para sa isang Noche Buena, lalo na’t hindi umano ito tumutugma sa aktwal na presyo ng mga pangunahing sangkap.
Dagdag pa niya, hindi kailangang magarbo ang selebrasyon ng Pasko, ngunit kahit simpleng handaan ay hindi na umano kasya ang ₱500 dahil malayo ito sa kasalukuyang gastusin ng mga pamilya.
Aniya garantisado na walang sinumang opisyal na nagsasabing posible ito ang gagastos ng ₱500 lamang sa kanilang Noche Buena, dahil libo-libo ang karaniwang budget ng mga nasa kapangyarihan.
Dito na ibinahagi ni Arica na mataas pa rin ang bilang ng mga Pilipinong nagugutom at patuloy pang lumulobo ang datos, taliwas sa mensaheng ibinibigay ng ilang ahensya ng pamahalaan.
Samantala, para naman sa mga ipinapamahaging Noche Buena packages ng ilang politiko, sinabi ni Africa na wala siyang nakikitang problema rito hangga’t hindi ito ginagamit sa pamumulitika.
Matatandaang inanunsyo ni Trade Secretary Cristina Roque na kaya umano ng ₱500 ang hamon, spaghetti, at macaroni para sa Noche Buena — pahayag na agad sinalungat ng ilang sektor at mga consumer groups.








