Dagupan City – Hindi dapat ituring na sukatan ng pag-unlad ng ekonomiya ang dami ng pumapasok na dayuhang pamumuhunan (foreign investments), kundi ang kagyat na pagtugon ng pamahalaan sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan, gaya ng pagkain, trabaho, at serbisyong panlipunan.
Ayon kay Sony Africa, Executive Director ng IBON Foundation malala ang kagutuman at kahirapan sa bansa, bagay na matagal nang suliranin ngunit hindi pa rin nabibigyan ng konkretong solusyon.
Dahil dito aniya, umaasa sila na sa nalalapit na ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na matutugunan na ang mga pangangailangan ng mga Pilipino at hindi lang puro pangakong nakaangkla sa mga dayuhang interes.
Binatikos din ng grupo ang kulang na suporta ng gobyerno sa lokal na agrikultura, na itinuturing na pangunahing sektor sa laban kontra kagutuman.
Ayon kay Africa, hindi sapat ang mga programang inilalatag ng administrasyon, at tila nalilihis pa ang usapan tuwing ginagamit na dahilan ang isyu ng katiwalian para hindi makapagbigay ng sapat na subsidiya sa mga magsasaka.
Hinihikayat ng IBON Foundation ang administrasyong Marcos Jr. na ituon ang SONA hindi lamang sa pagpapakita ng economic growth sa mga numero, kundi sa aktwal na kalagayan ng mamamayan.
AV AFRICA