Dagupan City – Kinondena ng Ibon Foundation ang pahayag ng pangulo na malakas na ang ekonomiya ng bansa sa ginawang multi-billion fleet expansion ng kumpanyang Cebu Pacific.

Ayon kay Sony Africa, Executive Director ng Ibon Foundation malayo ito sa katotohanang nararanasan ng mga ordinaryong Pilipino ngayon sa bansa.

Sa katunayan aniya, marami na ngayon ang mga Pilipinong walang ipon at higit sa 4 milyon naman ang nagugutom dahil sa nagpapatuloy na pagtaas ng mga bilihin ngunit mababa naman ang sahod.

--Ads--

Iisa lang naman aniya ang nakikitang solusyon at ito ay ang pagsuporta sa lokal na produksyon at lokal na industriya sa Pilipinas, taliwas sa nangyayari ngayon na tinututukan ng sektor ang pagiging bukas sa mga dayuhan para sa investments sa sektor ng agrikultura.

Tinawag naman nito na magandang balita ang nangyaring pagtaas ng budget sa sektor ng agrikultura, ngunit malaking katanungan kung saang ginamit ang iba sa mga ito gayong wala namang ipinakitang transparency sa publiko.

Ani Africa, kung titignan kasi at susuriing mabuti ay pawang mga malalaking investors lamang ang nakikinabang sa ekonomiya sa bansa, na dapat ay mga ordinaryong pilipino ang tumatamasa.

Nakakatawa din aniya ang P35 Wage hike sa mga minimum wage earners sa pribadong sektor sa Metro Manila dahil wala pa ito sa 1% na tubo ng mga business owrners.

Nanindigan naman ito at tinawag na sarado ang isip ng mga hindi pabor sa pagtaas ng sahod nationwide dahil bagama’t may ipinapakitang datos na sa mga ito ay wala pa rin silang ipinapakitang pagkonsidera sa isnusulong na panukala.