BOMBO DAGUPAN – Talamak ngayon ang iba’t ibang uri ng scam lalo na online kung saan tumataas ang mga naitatalang nabibiktima kaugnay dito.
Ayon kay Plt. Sharmaine D. Labrado Team Leader, Pangasinan Provincial Cyber Response Team na marami talaga ang mga cyber related na mga scams gaya na lamang ng mga online job scam, fake receipt scam at package scam.
Kung saan ang package scam ay isang uri ng scam kung saan may magpapadala ng mensahe na nagsasabing may matatanggap na package mula sa ibang lugar at nakaaddress sa iyong pangalan. At bago matanggap ng nasabing package ay kailangan mo munang magbigay ng karampatang halaga na hihingiin at matapos makapagbigay ng malaking halaga ang biktima ay wala naman itong matatanggap taliwas sa nasabi sa mensahe.
Kaugnay nito ay wala pa naman aniyang natatanggap na ganitong sumbong dito sa lalawigan at mainam na lamang na maging vigilant lalo na online at madami ang mga nabibiktima dito.
Pagbabahagi pa niya na kadalasang nagiging ugat ng scam ay ginagaya ang pagkakakilanlan ng isang tao upang makapangloko kayat marapat lamang na kapag nabiktima ay ipaalam agad sa kinauukulan.
Mayroon ding batas para dito ang RA 10175 kung saan bukod sa penalty ay maaari ding makulong ang sinumang lalabag dito.
Paaalala naman ni Labrado sa kanyang mga kababayan dito sa lalawigan at sa iba pang lugar na ugaliing i-verify maging trabaho, tao o lugar dahil hindi lahat ng nakikita online ay totoo dapat din na maging mapanuri at kapag naging biktima ay ipaalaam agad sa pulisya.