Nagpaabot ng tulong ang iba’t ibang organisasyon at bayan sa probinsiya ng Pangasinan para sa mga kababayang matinding nasalanta ng bagyong Ulysses sa mga lalawigan Cagayan at Isabela.

Kahapon nagtungo ang Maritime Pulis Dagupan para magbigay tulong at rescue sa mga kababayan sa Cagayan at Isabela gayundin ang Philippine Navy BRP Pangasinan (PS31) na naghatid ng relief goods at mga sasakyan mula Cebu City bilang tulong sa mga biktima ng nagdaang mga bagyo sa Bicol Region.

Sa bayan naman ng Bugallon, nagbigay ng direktiba si Municipal Mayor Priscilla Espino bilang Chairman ng MDRRMC na magsasagawa ng Sagip Kapamilya Operations sa lungsod ng Tuguegarao, Cagayan.

--Ads--

Namahagi naman ng karampatang tulong para sa nasalanta ng bagyo sa lalawigan ng Cagayan Valley Region ang mga Pangasinense ikalimang distrito ng Pangasinan.

Nanguna sa paghahatid ng mga relief goods at mga kagamitan si Presidential Adviser for North Luzon Secretary Raul Lambino na tubong Pangasinan.
Kasama si Sec. Lambino sa mga opisyal na personal na makita ang kasalukuyang sitwasyon ng mga residente sa naturang rehiyon at makapagbigay ng kaukulang tulong sa mga ito.

Samantala, maging si Fifth District Rep. Ramon Guico III ay nagpahiram rin ng mga aircrafts mula sa kanyang aviation school bilang sasakyang pagpapadalahan ng mga ipapamahaging tulong ng lalawigan para sa mga mamamayan na nasalanata ng bagyong Ulysses.

Nanawagan din ang lokal na pamahalaan ng siyudad ng Alaminos sa mga residenteng may kakayahang makatulong na magbigay ng donasyon para sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses sa Cagayan at Isabela.

Hinikayat ng LGU ang mga nais tumulong na makipag-ugnayan sa City Social Welfare and Development Office o CSWDO upang maipaabot ang kanilang mga donasyon.