DAGUPAN, CITY— Dismayado ang iba’t ibang grupo sa bansa sa naging kabuuan ng naging talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay Alliance of Concern Teachers (ACT)-Partylist Representative France Castro, tila masyadong mahaba ang tatlong oras na “paulit-ulit at sirang plaka” na laman ng mga sinabi ng presidente sa kanyang SONA dahil malinaw na bigo ang pangako nito sa ilang mga programa na kanyang inilunsad sa kanyang termino.
Isa sa ipinunto ng naturang kongresista ang programa ng pangulo kontra sa illegal na droga, at ang pagsugpo sa talamak na korapsyon sa bansa.
Bukod pa rito, limitado lamang ang nasabi nitong plano para sa sektor ng edukasyon. Ni hindi man lamang pinasalamatan ang mga guro na nagsasakripisyo sa pagsasagawa ng blended learning ngayong panahon ng pandemya.
Wala rin umano itong konkretong plano para sa pagsiguro sa ipinangako nitong quality education sa mga mag-aaral sa bansa.
Samantala, sa panig naman ni Bayan Pangasinan Spokesperson Eco Dangla, hindi umano nailahad ng presidente ang tamang datos, larawan at kalagayan ang kanyang nagawang mga programa na kanilang nais na maranig sa kanyang huling SONA.
Hanggang sa ngayon umano, ang kalagayan ng bansa sa pagtugon sa kaguluhan, kahirapan, agrikultura at sa COVID-19 pandemic ay hindi pa rin aniya nasusolosyunan.