Full-force ang mga empleyado ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan ng Lingayen – ito ang naging pahayag ni Kimpee Cruz, Assistant LDRRM Officer ng nasabing bayan sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa mga nakadeploy na tauhan ng kanilang ahensya bilang bahagi ng paghahanda sa pananalasa ng Bagyong ‘Karding’.
Binigyang-diin ni Cruz na may bilang na 32 ang staff ng Lingayen LDRRMO, habang kaagapay naman ng ahensya ang Municipal Special Action Team, at iba pang mga ahensya gaya ng Bureau of Fire Protection, Philippine National Police at iba pang mga Civil Society Organizations. Dagdag pa nito na kanilang tinututukan ang kooperasyon sa mga nasabing ahensya upang kaagad nilang maihanda ang bayan ng Lingayen sa bantang hatid ng pananalasa ng Bagyong ‘Karding’.
Paliwanag pa ni Cruz na bagamat wala pa silang nararanasang napakalakas na mga pag-ulan ay nakaalerto pa rin ang mga opisyal ng kanilang ahensya, habang patuloy rin naman ang pagmonitor ng Emergency Response Team sa mga vehicular incidents bunsod ng basa at madulas na kalsada.
Kaugnay nito ay binigyang-diin pa ni Cruz na kumpleto naman ang kanilang mga equipment, partikular na sa clearing operations, water assets, at mga sasakyan, na kakailanganin sa pagresponde sa mga posibleng pinsala ng Bagyong ‘Karding’.
Dagdag pa ni Cruz na nakipagugnayan na ang Lingayen LGU sa bawat barangay ng bayan sa paghahanda ng mga evacuation centers, habang mayroon na rin silang inihandang main evacuation center, at gayon na rin sa DepEd sa pagre-ready ng mga eskwelahan kung kinakailangan na maaaring pansamantalang matuluyan ng mga residenteng ililikas upang makaiwas sa sakuna.
Binigyang-diin pa ni Cruz na pagkakaisa ang kailangan upang maiwasan ang panganib na maaaring idulot ni Bagyong ‘Karding’, at kung sakali mang magkakaroon ng forced evacuation ay kaagad naman nilang pupuntahan ang mga apektadong lugar upang mailikas ang mga residente.
Patuloy naman ang pakikiisa at pakikipag-ugnayan ng Lingayen LDRRMO sa mga hanay ng kapulisan at BFP upang maiwasan ang anumang pagkasawi.