Dagupan City – Mas pinaigting ang kampanyang “I Drive Safely for My Family” na naglalayong palawakin ang kamalayan ng publiko hinggil sa kaligtasan sa kalsada.
Ayon kay Plt Col Zaldy Fuentes, Chief of Police ng San Carlos City Police Station, target ng kampanya ang mga motorista, miyembro ng mga transport groups tulad ng TODA, at mga estudyante upang mas mapalawak ang pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa wastong pagmamaneho at disiplina sa lansangan.
Dagdag pa niya, nagsasagawa ang kapulisan ng serye ng mga dayalogo at information drive sa iba’t ibang paaralan. Nag-iikot ang mga tauhan ng pulisya upang mamahagi ng mga flyers at magbahagi ng praktikal na kaalaman at safety tips ukol sa road safety.
Layunin umano ng kampanya na higit pang mapataas ang kamalayan at kaalaman ng publiko sa mga isyung may kaugnayan sa kaligtasan sa kalsada, bilang hakbang upang mabawasan ang mga insidente ng vehicular traffic accidents sa lungsod.
Inaanyayahan naman ng kapulisan ang lahat ng motorista, estudyante, at mga miyembro ng drivers’ associations na aktibong makiisa at makilahok sa mga susunod na aktibidad ng naturang kampanya.










