DAGUPAN CITY- Binigyan linaw ng isang eksperto sa kalusugan ang pagkakaroon ng hydrocephalus ng isang bata at may edad na.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Glenn Soriano, US Doctor at Natural Medicine Advocate, ang labis na pag-ipon ng cerebrospinal fluid (CSF) sa ventricles ng utak ang nagiging sanhi ng pagkakaroon ng hydrocephalus.

Aniya, kadalasan nagkakaroon ng pagbara sa daluyan ng CFS kaya ito naiipon at pinapalaki ang ulo ng pasyente.

--Ads--

Ito ay madalas nangyayari sa tuwing may traumatic experience ang ulo ng isang tao, katulad na lamang ng pahirapang pagkakasingal ng sanggol.

Sapagkat malambot pa ang bungo (skull) ng isang sanggol kaya mabilis ang paglaki ng ulo nito.

Binigyan linaw naman ni Dr. Soriano na hindi pinapalaki ng hydrocephalus ang isang utak bagkus iniipit nito dulot ng naiipon na CSF.

Kadalasang sintomas nito sa mga sanggol ang kawalan ng gana sa pagkain, palagiang matamlay, at pagkakaroon ng sunset eyes o pagtirik ng mata.

Habang sinabi niya na ang hydrocephalus sa matatanda ay hindi na lumalaki ang ulo subalit, nakakaramdam ng mga sintos tulad ng pananakit ng ulo, matamlay sa pagkain, madalas na pagkalimot at kawalan ng koordinasyon sa balanse.

Sinabi pa ni Dr. Soriano na nakakaapekto ang kondisyon na ito sa cognitive function ng utak dahil sa matinding pressure na nararanasan.

Mahalaga aniyang maagapan ito agad dahil magiging “irreversible” ang pinsala nito kung mapabayaan.

Posibleng maging brain-dead ang isang tao na hindi naagapan ang hydrocephalus.