DAGUPAN CITY- Hindi dapat ipaubaya sa isang survey ang hustisya lalo na kung maaapektuhan ang taumbayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Roland Simbulan, isang propesor ng Public Policy sa University of the Philippines, kanyang inihayag na ang hustisya at katarungan ay hindi dapat ipaubaya sa resulta ng mga survey, dahil may umiiral na mga batas upang pairalin ang tama, lalo na kung ito ay nilalabag.

Aniya, dapat managot ang sinumang lumalabag sa batas, lalo na kung pera ng taumbayan ang pinag-uusapan.

--Ads--

Kaugnay nito, sinabi ni Prof. Simbulan na dapat sagutin ni Vice President Sara Duterte kung saan ginamit ang mga confidential at intelligence funds na inilaan sa kanyang opisina.

Dagdag pa niya, ang impeachment trial ay isang legal na proseso na maaaring gamitin upang malinawan at masagot ang mga alegasyon laban sa isang opisyal ng gobyerno.

Binigyang-diin din ni Prof. Simbulan na maaaring maimpluwensyahan ng social media ang takbo ng mga survey, at kalaunan ay maapektuhan ang desisyon ng publiko.