BOMBO DAGUPAN – Lumakas ang Hurricane Beryl na umabot na sa Category 4 habang ito ay papalapit sa timog-silangang bahagi ng Caribbean.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Alan Tulalian,Bombo International News Correspondent in Trinidad and tobago na kasalukuyan pang kalmado ang panahon at dagat subalit inasahang may mangyayaring hurricane ngayong araw.

Ilan lamang sa mga lugar na kabilang ay ang Barbados, Saint Lucia, Saint Vincent, Grenadine Islands, Grenada, at Tobago kung saan ay under hurricane watch habang sa kinaroroonan naman ni Tulalian ay under tropical watch.

--Ads--

Kaugnay nito ay nagsagawa ng Press Conference at nagdeklara rin ang Prime Minister sa kanilang lugar ng state of emergency dahil sa pagdating ng hurricane.

Aniya, sa tuwing may sakunang paparating sa kanilang lugar, ang mga residente ay nagpapanic buying para sa kanilang grocery, maging sa pagbili ng gasolina para sa kanilang mga sasakyan, at ang ilan rin ay nag-uunahang makalikas mula sa kanilang kinaroroonan.

Dagdag pa niya sa loob ng 15 taon ng kanyang paninirahan sa nasabing bansa, ngayon lang ulit siya nakaranas ng malalang hurricane kung saan huli pa itong nangyari taong 1933.

Samantala, inaasahan rin na may kasunod pang hurricane sa Miyerkules base sa obserbasyong may namumuong tropical deppression sa nasabing bansa. Sa tulong naman ng lokal na gobyerno ay nagsagawa na ng pre-evacuation mula pa kaninang umaga.