Ibinunyag ni 2nd district cong. Mark Cojuangco ang isang umano’y ghost project na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱500 milyon sa Barangay Panacol, Aguilar, Pangasinan, matapos ang personal na inspeksyon sa lugar.
Ayon kay Cojuangco, bagama’t idinideklarang completed sa mga opisyal na ulat ang proyekto, taliwas umano ito sa aktwal na kondisyon sa lugar.
May ilang istrukturang naitayo, subalit kapansin-pansin ang pagiging substandard, kulang, at hindi tumutugma sa pondong inilaan at sa layuning dapat nitong pagsilbihan para sa taumbayan.
Binanggit din ng mambabatas ang kahina-hinalang lokasyon ng proyekto—isang liblib na barangay na malayo sa mata ng publiko na, ayon sa kanya, ay posibleng sinadyang paglagyan upang maitago ang umano’y pangungulimbat sa pondo ng bayan.
Upang mabigyang linaw, inanyayahan ng kongresista ang alkalde ng Aguilar na magpaliwanag hinggil sa proyekto kung paano ito naipatupad, sino ang mga nag-apruba, at bakit tila walang malinaw na transparency sa proseso.
Ibinunyag rin ni Cojuangco na may mga proyektong naisagawa sa Distrito Dos nang hindi niya nalalaman na aniya’y lubhang nakakabahala.
Nilinaw pa niya na hindi ito palabas at hindi ito pamumulitika, kundi usapin ng pananagutan, katotohanan, at paggalang sa buwis ng taumbayan.










