DAGUPAN, CITY—Pinoproseso na ang exit visa ng humigit kumulang 80 na mga senior citizens at mga Persons With Disabilities (PWDs) na distress Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Bahay Kalinga sa Riyadh, Saudi Arabia matapos maisangguni ng mga ito ang kanilang panawagan na makauwi sa Pilipinas sa pamamagitan ng Bombo Radyo.
Ito ay batay na rin sa ulat ni Bombo International Correspondent Lawrence Valmonte mula sa nabanggit na bansa na nagparating ng hinaing ng mga nabanggit na OFWs.
Nabatid ni Valmonte sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan na ayon sa mga opisyal ng POLO-OWWA na on going na ang pagproseso ng exit visa ng mga distressed OFWs upang makauwi na ang mga ito sa Pilipinas.
Matatandaang isinangguni ni Valmonte sa tanggapan ng POLO-OWWA ang mahirap na sitwasyon ng mga nabanggit na grupo dahil na rin sa dumadaming bilang ng mga kasamahan nila ang nagpopositibo sa coronavirus disease.
Bukod pa riyan, ang mga grupo na pinangungunahan ni Baltazar Cantiller ay nagsisiksikan sa nabanggit na panuluyan kung saan ay 20 sa mga ito ay nasa iisang kwarto.
Sa ngayon ay umaasa ang naturang mga indibidwal na maproseso sa lalong madaling panahon ang kanilang mga dokumento para makauwi na sila sa bansa.