DAGUPAN CITY —       Humigit kumulang 20 kabahayan ang tinupok ng apoy sa kalagitnaan ng pananalasa ng bagyong Dante dito sa lungsod ng Dagupan.

        Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan news team  kay nanay Remedios, bandang alas-11 ng umaga nagsimula ang sunog sa Brgy. Pantal West.

        Kuwento nito, wala siya sa kaniyang tahanan ng magsimula ang sunog kayat nang makauwi ay labis nitong ikinabigla ang nadatnang pangyayari.

--Ads--

        Aniya, tinatayang nasa 10 tahanan ang naapektuhan ng sunog subalit sa pahayag ng ilang barangay officials hindi bababa sa 20 bahay ang naapektuhan.

        Nabatid na nang mangyari ang sunog ay hindi umuulan subalit may kalakasan ang hangin na dulot ng bagyong Dante, kinalaunan ay bumuhos din ang ulan na nakatulong sa pag-apula ng apoy.

        Nanawagan naman ng tulong si nanay Remidios matapos na maabo ang bahay at lahat ng kagamitan nilang mag-anak.

Bahagi ng panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Nanay Remedios

           Samantala, patuloy parin ngayong iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Dagupan ang nangyaring sunog.

        Ayon kay Chief Insp. Bryan Pocyao, City Fire Marshal, patuloy parin ang pagkuha nila ng impormasyon upang matukoy kung ano ang pinagmulan ng sunog.