DAGUPAN CITY — Hindi makatutulong ang Human Capital Development sa paglikha ng trabaho.

Ito ang idiniin ni Kilusang Mayo Uno Secretary General Jerome Adonis sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa ginagawang pamumuhunan sa Human Capital Development.

--Ads--

Aniya na ang naitutulong lamang ng nasabing usapin ay ang pagpapabuti sa kapasidad ng mga manggagawa, at hindi sa pag-angat ng kalagayan ng bansa sa unemployment rate na hindi natutugunan ng kawalan ng pagaksyon ng pamahalaan sa paglikha ng mas maraming trabaho.

Saad nito na namamayagpag pa rin sa humigit-kumulang 3-milyong mga Pilipino ang walang trabaho sa bansa, habang doble naman sa datos na ito ang bilang ng mga kulang sa trabaho o kung saan may trabaho ang isang manggagawa subalit hindi sumasapat ang kinikita nito sa pangangailangan ng pamilya nito sa isang araw.

Dagdag pa ni Adonis na isang malaking balakid ang pagdaya ng gobyerno sa mga bilang na ito, subalit mapapatunayan naman ang ibang datos gaya ng sa IBON Foundation na nagsasabing nasa halos 12 milyong mga Pilipino ang walang trabaho at kulang sa trabaho sa mga ordinaryong komunidad kung saan mga magulang o iisa lamang na miyembro ng isang pamilya ang nagtatrabaho kahit na may kakayahan ang iba pa na magtrabaho.

Ani Adonis na kung may biglaan man na pagtaas sa bilang ng mga may trabaho ay dahil lamang sa artipisyal na datos bunsod ng pagha-hire ng mga kompanya ng kanilang seasonal employees, gaya na lamang ng sa mga mall at iba pang negosyo.

Subalit idiniin nito na sa tuwing lumalaki ang datos ng kawalan ng trabaho sa bansa ay hindi ito tinutugunan ng gobyerno, kaya naman walang anumang maitutulong ang pagpapalakas ng Human Capital Development para sa mga Pilipino na nangangailangan at matagal nang naghahanap ng trabaho.

Paliwanag pa ni Adonis na hindi sasapat ang pagsasagawa ng mga job fair na maituturing lamang bilang pagpapakitang-tao ng gobyerno upang ipalabas na tinutugunan nila ang mga kaso ng unemployment sa bansa.

Maaari rin aniyang gamitin bilang barometer sa usaping ito ang palaki ng palaking bilang ng mga Pilipino na lumalabas ng bansa upang magtrabaho sa ibayong dagat na nagpapakita ng konkretong pagtitiyak na walang trabaho sa Pilipinas.

Naniniwala naman ito na kaya nahihirapan ang bansa na lumikha ng mga trabaho para sa mga Pilipino ay dahil inangkla ng mga nakaraang administrasyon ang ekonomiya ng bansa sa kawalan ng pagsisikap nito na magpundar ng para sa sarili nitong mga mamamayan kaya naman walang matatawag ang Pilipinas na ekonomiya na nakalaan para sa mga Pilipino.