Dagupan City – Huling Misa para kay Dating Speaker Jose De Venecia Jr., Idinaos sa Our lady of the Holy Rosary of Manaoag Bago dalhin sa Batasang Pambansa
Reporter: Oliver Dacumos
Isinagawa ang huling misa para sa labi ni dating Speaker Jose De Venecia Jr. sa Basilica Minor of Our Lady of Rosary of Manaoag kaninang madaling araw.
Pinangunahan ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang misa, na dinaluhan ng mga tagasuporta mula sa Pangasinan, ikaapat na distrito, at ilang kilalang personalidad.
Ayon kay Pangasinan 4th District Board Member Jerry Rosario, naging solemn ang misa bilang huling pamamaalam kay De Venecia.
Ibinahagi niya ang kanyang mga alaala kasama ang dating Speaker, na sinasama siya sa mga aktibidad nito mula nang magsimula sa public service.
Naalala ni Rosario ang kalidad ng representasyon ni De Venecia bilang isang Pangasinense at “local boy,” hindi umano ikinahiya ni De Venecia ang kanyang pinagmulan at ipinagmalaki pa rin na sabihing siya ay taga-Pangasinan.
Dagdag pa niya, ang pamana ni De Venecia ay nagpapakita na kahit na nagmula sa simpleng paaralan at may bahid Pangasinense sa pananalita, maaaring makipagtalastasan nang may dignidad sa lahat.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang Pangasinan Council Kabalikat Civicom-Manaoag Chapter. Ayon kay President and Vice Chairwoman Conny Eroles Emerson, mahal na mahal nila si De Venecia at ang buong grupo ay nakikiramay sa pamilya nito.
Ibinahagi ni Emerson ang naging suporta ni De Venecia sa kanya at sa kanyang pinsan sa pamamagitan ng scholarship.
Samantala, matapos ang misa, dinala na ang labi ni De Venecia sa Plenary Hall ng House of Representatives sa Quezon City para sa isang memorial service na magsisimula ng alas 10 ng umaga kung saan pangungunahan ito ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at mga miyembro ng ika-20 Kongreso.
Magiging tampok sa programa ang mga eulogy reflection mula sa mga dating lider at mambabatas, pag-aalay ng legislative memorabilia, video presentation, tugon mula kay 4th District Rep. Ma. Georgina De Venecia, at floral offering.










