“Malapit na ang hudyat ng tag-ulan.”
Ito ang inihayag ni Engr. Jose Estrada, ng PAG-ASA Dagupan matapos ang ilang araw na pag-ulan dito sa lungsod ng Dagupan.
Ayon kay Estrada, mapapansin na sa mga nakalipas na araw ay nagkaroon ng mga pag-ulan na maaring maging mitsa ng tag-ulan.
Aniya, ang sunod sunod na naitala na pag-ulan ay dahil sa southwesternlies surface windflow o ang paakyat ng hanging habagat ngunit sa kabilang banda, hindi naman umano araw-araw ang mga mararanasang mga pag-ulan lalo na dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Saad niya ay hindi pa naman umano nararating ang 25mm na lebel ng tubig ulan sa 7 PAG-ASA stations sa bansa na siyang basehan ng pagdedeklara ng onset ng tag-ulan.
Sa ngayon ay hindi na umano masyadong maalinsangan ang mararanasang temperatura at heat index sa lungsod na siyang naranasan ng mga mamamayan sa mga nakalipas na mga araw.
Paalala naman ni Estrada sa publiko na mag-ingat dahil maitatala pa rin ang ilang mga localized thunderstorm sa probinsya kaya naman mas mainam umano na kapag ito ay umiiral ay nararapat na magpatay muna ng mga ginagamit na appliances o mga gadgets para maiwasan ang sunog o insidente na matamaan ng kidlat.
Nararapat din umano na magdala ng pananganglang sa ulan gaya na lamang ng payong at kapote upang maiwas sa mga sakit na maaring maidulot ng pagkabasa ng isang tao sa ulan.