Ginugol ng House Prosecution panel ang dalawang trial day na hindi natuloy dahil sa kalamidad, upang balikan at suriin ang mga ebidensiya, testimoniya, at iba pang hawak na impormasyon laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay panel adviser at dating Rep. Ace Barbers, hindi naging hadlang ang kalamidad upang suriin ng panel ang itinatakbo ng kaso laban sa pangalawang pangulo, at pag-aralan kung paano lalong mapatatag ang mga argumento.
Bagaman araw-araw aniya ang pag-aaral at pagsusuri ng panel sa kaso, nabigyan ang mga prosecutor ng dalawang karagdagang araw para rito, kasama na ang pagpaplano sa mga susunod pang iprepresentang testigo at mga ebidensiya.
Ayon sa dating mambabatas, bagaman dalawang trial day ang hindi nagamit dahil sa kalamidad, naging produktibo pa rin ang panel sa pagpapatatag sa sarili nitong kaso.
Sa kabila ng ilang kanselasyon sa mga trial day, umaasa pa rin ang House panel na mas mapapabilis ang pag-usad ng paglilitis laban sa pangalawang pangulo.
Dahil dito, pinag-uusapan aniya ng House ang posibilidad ng pagdagdag ng isa pang araw sa kasalukuyang tatlong araw kada linggo na schedule. Ayon kay Barbers, maaaring italaga ang araw ng Biyernes bilang panibagong trial day.
Naniniwala ang dating mambabatas na bagaman madaragdagan ng trabaho, kapwa ang Senado at ang House, makakatulong ito para sa mas mabilis na pag-usad ng kaso.
Samantala, nais din ng panel na masustain ang momentum at ang interest ng public habang tinatalakay ang article 1 o ang artikulong kinapapalooban ng confidential funds ni VP Sara.
Kampante ang dating mambabatas na mas magiging ‘interesting’ ang mga susunod na araw habang tinatalakay ang confidential funds, dahil sa bulto ng ebidensiyang hawak ngayon ng panel.
Umaasa rin ang House panel, na papaburan ng Impeachment Court ang ipapanukalang ideklara si Edward Fajarda bilang hostile witness kapag tuluyan nang ipresenta siya ng panel sa mga susunod na araw.
Ayon kay Barbers, si Fajarda ang isusunod kay Gina Acosta, parehong mga special disbursing officer sa ilalim ng dalawang opisina ni VP Sara.










