Plano ng House of Representative committee on sufrage and electoral reforms na bumuo ng isang Technical Working Group (TWG) na siyang magko-consolidate sa 21 panukalang anti-dynasty bill na inihain ng iba’t ibang mambabatas mula sa iba’t ibang distrito sa bansa.
Ito ay matapos simulang talakayin ang anti political dynasty bill sa kamara.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng Center for People Empowerment in Governance ang pagbuo ng isang Technical Working Group (TWG) ay upang makabuo ng iisang panukala na maglalayong ipagbawal ang political dynasty sa bansa.
Kaugnay nito ay may dalawang pangunahing isyu ang tinukoy na kailangang himayin sa pagbalangkas ng consolidated bill.
Una, hanggang sa anong antas ng kamag-anak ang ipagbabawal na sabay-sabay na tumakbo o humawak ng posisyon sa pamahalaan.
Ikalawa, kung saklaw lamang ba nito ang mga halal na opisyal o isasama rin ang mga appointed officials.
Subalit, agad namang napagdesisyunan ng komite na hindi isasama ang mga appointed officials, at ang pokus ng panukala ay ang mga elected officials lamang.
Tatalakayin din sa panukala ang iba’t ibang anyo ng political dynasty, kabilang ang pagmamana o pagsunod-sunod ng magkakamag-anak sa posisyon, gayundin ang tinatawag na “obese dynasty,” kung saan sabay-sabay na humahawak ng iba’t ibang posisyon sa pamahalaan ang mga magkakamag-anak.
Itinakda naman ang susunod na pagdinig sa Pebrero 10, kung saan iimbitahan ang mga dating mahistrado ng Korte Suprema bilang mga resource person.
Ayon kay Simbulan, may mga naunang desisyon ang Korte Suprema noon na may kaugnayan sa usapin ng political dynasty na makatutulong sa paglinaw ng mga legal na isyu.
Binanggit din ni Simbulan ang sensitibong usapin ng kagustuhan ng mamamayan laban sa probisyon ng Saligang Batas, na malinaw umanong nag-uutos sa Kongreso na magpasa ng batas laban sa political dynasty.
Ani Simbulan, mahalagang mapigil ang patuloy na pag-iral ng political dynasty upang magkaroon ng mas makatarungan at inklusibong pamamahala.
Aniya, kapag tuluyang naipasa ang panukalang batas, may malaking posibilidad itong magdulot ng positibong pagbabago sa pulitikal na sistema ng bansa.










