Inihayag ni Senator Risa Hontiveros na seryoso pa rin niyang pinag-iisipan ang posibilidad na tumakbo bilang Pangulo sa Halalan 2028, habang hinihintay pa ang magiging desisyon ng kanyang hanay at mga kaalyadong grupo.
Sa isang press conference nitong Biyernes, Hunyo 19, sinabi ni Hontiveros na bukas siya sa pagtakbo kung siya ang mapipili bilang kandidato ng United Opposition.
“I am seriously considering it, preparing for that possibility,” ani Hontiveros.
Pinasalamatan ng senador ang mga kamakailang inisyatiba ng Akbayan Partylist at iba pang grupo na naglunsad ng programang may temang “Risa Na!” bilang pagpapakita ng suporta sa kanyang posibleng kandidatura.
“Maraming salamat sa mga nag-express ng ganoong confidence sa akin,” dagdag niya.
Ayon kay Hontiveros, mahalagang makapili ang kanilang hanay ng isang kandidato na itinuturing na pinakamalakas at pinakaangkop na mailalaban sa halalan.
“I think it is really necessary na magkaroon kami, from our ranks, ng strongest, best, most attractive, and hopeful offer sa ating mga kababayan,” aniya.
Dagdag pa niya, inaasahan niyang makakabuo ng pagkakaisa ang kanilang grupo bago matapos ang 2026 o sa unang bahagi ng 2027 upang matukoy kung sino ang magiging standard bearer.
Samantala, matatandaang nauna nang nag-anunsyo si Vice President Sara Duterte noong Pebrero 18, 2026 ng kanyang intensyon na tumakbo bilang Pangulo sa 2028 elections.










