Nagdeklara ang Hong Kong ng tatlong araw na walang pasok upang ipagdiwang ang Chinese New Year, isa sa pinakamahalagang pista sa kanilang kultura.
Sa naging panyam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marlon Pantat De Guzman, Bombo International News Correspondent sa Hong Kong, malaking bagay ang 3-days no work upang makapagpahinga at makisaya sa selebrasyon.
Ibinahagi niya na sa tagal na nitong pananatili sa Hongkong kapansin-pansin ang paghahanda sa buong lungsod kung saan makikita ang mga pulang palamuti, bulaklak, at iba’t ibang dekorasyon na sumisimbolo sa suwerte at kasaganaan.
Kabilang sa mga tradisyunal na pagkain na inihahain tuwing Chinese New Year ang tikoy, candies, prutas, at lalo na ang mandarin orange na itinuturing na simbolo ng suwerte at kasaganaan.
Hindi man tulad sa Pilipinas na kumukumpleto ng labindalawang bilog na prutas sa hapag-kainan, mas binibigyang-diin sa Hong Kong ang presensya ng mandarin oranges sa bawat tahanan.
Ipinagdiriwang ang Chinese New Year batay sa lunar calendar at karaniwang tumatagal ng 15 araw, na nagtatapos sa Lantern Festival.
Sa panahong ito, aniya nagsasagawa rin ng mga dragon at lion dance, fireworks display, at family gatherings bilang bahagi ng tradisyon.










