DAGUPAN CITY- Isang linggo nang nararanasan ang mabigat na daloy ng trapiko sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan, bunsod ng pagdagsa ng mga tao at sasakyan ngayong holiday season.
Ayon sa Public Order and Safety Office o POSO Mangaldan, inaasahan na ang pagbigat ng trapiko tuwing ganitong panahon dahil sa pag-uwi ng mga biyahero at pagdami ng mga mamimili.
Gayunman, paalala ng awtoridad sa mga motorista na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan upang maiwasan ang aberya sa kalsada na maaaring magpalala pa ng sitwasyon.
Sa mga pagkakataong bumabagal ang daloy ng trapiko, may mga alternatibong ruta namang maaaring daanan ng mga motorista.
Dahil dito, nananatiling manageable ang kabuuang sitwasyon ng trapiko sa bayan, ayon sa POSO.
Bagama’t mabigat ang daloy ng trapiko sa ilang pangunahing kalsada, bukas pa rin ang mga lansangan ng Mangaldan sa lahat ng uri ng sasakyan.
Patuloy rin ang pagbabantay at pagpapatupad ng kaayusan ng mga awtoridad upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Paalala rin ng POSO Mangaldan na bukod sa mahabang pasensya, mahalaga ang pagiging handa at responsableng pagmamaneho upang hindi na makadagdag sa bigat ng trapiko, lalo na ngayong patuloy ang pagdagsa ng mga biyahero sa bayan.










