DAGUPAN CITY– Gustuhin man umano ng isang Social Worker na umuwi sa kaniyang pamilya upang makita at mayakap ang kapatid at mga magulang ay hindi na umano nito nais na isangkalan ang kaligtasan lalo’t batid nito na dahil sa kaniyang trabaho ay may posibilidad na malantad siya sa banta ng Covid 19.

Ayon kay Farra Mae Fontanilla mula sa bayan ng Lingayen at nagtratrabaho sa Manaoag Community Hospital dito sa lalawigan ng Pangasinan , 3 Linggo na siyang hindi nakakauwi sa kanilang tahanan sa takot na makapagdala ito ng virus sa pamilya lalo na at senior citizen na ang kaniyang mga magulang.

Kwento pa niya, may pagkakataon na pabiyahe na siya pauwi pero napag isip-isip na mas mainam na hindi makita ang pamilya kaysa ang malagay sa peligro ang kanilang kalusugan.

--Ads--

Halos sa ospital na rin umano sila namamalagi dahil sa pagbibigay ng serbisyo sa mga pasyente na dinadala doon.

Naniniwala siya na lilipas din ito at kapag natiyak na wala na ang banta ng corona virus saka siya uuwi para yakapin ang mga mahal sa buhay.

Sa ngayon aniya sakripisyo ang dapat gawin ng bawat isa dahil mas malahaga pa rin ang buhay.