Pagkilala sa hirap at sakripisyo ng mga kasundaluhan para sa bansa.
Ito ang isa sa mga naging rason ni Cadet 1CL Kevin John Pastrana, Top 2 Philippine Military Academy BAGSIK-DIWA (Bagong Sibol sa Kinabukasan Mandirigma Hanggang Wakas) Class of 2022 sa kanyang pagsali sa naturang akademya.
Ayon kay Pastrana, ang pagbisita nito sa military camp ng kanyang retired Colonel uncle ang isa sa kanyang naging insipirasyon sa pagpasok sa pagiging sundalo lalo at kita nito ang magagandang bagay na ginagawa ng naturang propesyon para sa Pilipinas.
Aniya, bagaman may mga pagkakataon noon na nais na nito na sumuko at magresign sa akademya dahil sa hirap ng mga pasubok at adjustments, hindi naman umano niya maipagkakaila ang magandang naidulot nito at motibasyon mula sa kaniyang upperclassmen.
Mahirap man umano ang transition sa pagiging sibilyan at pagiging sundalo lalo na sa mismong routine at pagsunod sa mga schedule, naging magandang pagkakataon naman umano ito para mapanatili nito ang disiplina sa kanyang sarili.
Kaya naman sa mga nais rin na sumunod sa kanilang yapak at pumasok sa naturang akademya, maging determinado at maging matiyaga upang mas maging matibay at matagumpay sa kanilang nais na propesyon.
Matatandaang sa graduation rites ng BAGSIK-DIWA ngayong taon, nakuha ni Pastrana, ang Vice Presidential Saber, Phil Air Force Saber, Australian Defence Best Overall Performance, Information Technology Plaque at Air Force Professional Courses Plaque.