Dagupan City – Nagpahayag ng pagkadismaya si Atty. Francis Abril, isang legal consultant, kaugnay ng hindi pagtanggap sa isinampang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil umano sa kawalan ng Secretary General ng Kamara.
Ayon kay Abril, hindi na sana kinailangan pang gamitan ng technicalities ang naturang usapin.
Aniya, lumalabas kasi na tanging ang Secretary General lamang ang maaaring tumanggap ng reklamo, bagay na aniya’y dapat muling pag-isipan.
Inihayag din niya na inaabangan na sa Lunes kung muling babalik ang mga nagrereklamo at kung tatanggapin o ieentertain ang kanilang isusumiteng reklamo.
Mahalaga umano ang magiging desisyon dito dahil maaari nang pumasok ang tinatawag na one-year bar rule sa impeachment process.
Dito na niya binigyang diin ang salitang make it or break it.
Dahil mahalaga umano aniyang tingnan din ang magiging perspektibo at aksyon ng Secretary General sa pagbabalik nito sa Lunes, gayundin ang magiging basehan sa pagtanggap ng reklamo, kabilang ang mga kalakip na dokumento at attachment.
Samantala, binigyang-diin ni Abril na malaki ang posibleng epekto ng isyu sa personal na pananaw ng publiko sa Pangulo, lalo na’t kasabay din nito ang muling paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa abogado, maaaring madungisan ang imahe at bumaba ang trust rating ng parehong Pangulo at Bise Presidente dahil sa mga isyung kanilang kinakaharap sa kasalukuyan.










