BOMBO DAGUPAN- Ikinalulungkot ng Federation of Free Farmers ang hindi pagkonsulta sa hanay ng magsasaka bago ipatupad ng gobyerno ang pagbaba ng taripa sa bigas.

Ito ang ibinahagi ni Raul Montemayor, National Manager ng naturang pederasyon, dahil nakumbisi na lamang umano ng mga economic managers ang pangulo nang hindi binibigyan ng pagkakataon ang kanilang hanay na magsalita patungkol dito.

Nakasaad din kase sa batas na bago maglabas ng executive order ay konsultahin ang kinauugnayang hanay nito.

--Ads--

Iginiit naman ni Montemayor na hindi kasalan ng mga magsasaka ang pagtaas ng presyo ng bigas ngunit sila pa rin ang magsasakripisyo dahil sa nasabing panukala sapagkat maaari itong magtagal hanggang 2028.

Base sa kanilang komputasyon, maaaring magdulot ang pagbaba ng taripa sa bigas ng pagbaba sa P4.50 per kilo ng presyo ng palay ng mga magsasaka.

Kung mag-aangkat din ng bigas ang gobyerno ng walang taripa, hindi bababa lamang sa P35 per kilo ang gagastusin ng mga ito. Nangangahulugan lamang ito na malulugi lamang ang gobyerno kung magbebenta sila ng P29 per kilo na bigas.

Sa tingin niya, sinasadya na lamang ang paghintay sa recess ng kongreso bago maglabas ng executive order upang hindi na makagalaw ang kongreso.

Saad din ni Montemayor na moro-moro lang ang nakasaad na pagrebyu nito makalipas ang 4 na buwan dahil paniguradong papanatilihin pa din ito.

Gayunpaman, hindi naman aniya bumaba ang presyo ng bigas kundi tumaas pa ito noong nagpatupad din ang pamahalaan ng pagbaba ng taripa sa bigas. Binubulsa lamang kase aniya ng mga trader ang kanilang naiipon sa pagbaba nito.