BOMBO DAGUPAN- Pinanindigan na umano ni Vice President Sara Duterte ang hindi na ipaliwanag pa ang kanilang budget proposal dahil sa hindi nito pagsipot sa kakatapos na budget hearing.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rep. France Castro, Alliance of Concerned Teachers Partylist, inaasahan na nilang hindi na dadalo ang bise presidente at ang ibang kasamahan nito subalit, maituturing itong pambabastos sa taumbayan.

Saad pa ni Castro, ngayon niya lang naranasan ang isang ahensya na hindi dumalo kahit isang opisyal nito sa budget hearing para sa pangalawang pagkakataon.

--Ads--

Aniya, kung totoo ang sinabing pagrespeto ng bise presidente sa “power of the purse”, batay sa lumabas na video nito kamakailan, ay dapat sumipot pa rin siya upang harapin ang Committee on Appropriations.

Ito ay obligasyon ng pangalawang pangulo na ipaliwanag sa lahat ang paggastos at ipresenta ang kanilang budget.

Kinumpara ni Castro si Duterte kay dating bise presidente Leni Robredo na dumadalo pa din sa plenary discussion kahit mababa lamang ang budget ng kanilang opisina.

Gayunpaman, kahit nais naman nang wakasan ni Sagip Representative Rodante Marcoleta ang budget hearing ng Office of the Vice President (OVP) ay hindi pa rin niya ito sinang-ayunan dahil naniniwala pa rin siyang dapat malaman ng taumbayan ang nilalaman ng 2023 budget report ng opisina.

At sa susunod na budget delibiration ng OVP, magkakaroon ng pag-amyenda sa P10-million budget para sa libro ng bise presidente at ang higit P1-billion bidget ng mga duplication sa mga programa ng iba’t ibang ahensya. Subalit, nakadepende pa din sa mayorya ang desisyon kaugnay sa mga pag-amyenda.

Sa kabilang dako, hindi sinang-ayunan ni Castro ang naging pahayag ni VP Duterte na hindi umano siya bratinella dahil ito naman ang kaniyang ipinakitang pag-uugali sa pagdinig.

Dagdag pa ni Castro, patunayan na lamang ng bise presidente ang kaniyang mga alegasyon sa pagdinig.