BOMBO DAGUPAN- Matinding krisis o ‘crying-sis’ kung tawagin ng mga mangingisda ang nararanasang Oil Spill sa Manila Bay dahil labis na ang epekto nito sa kanilang hanapbuhay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Roberto Ballon, Chairperson ng Katipunan ng Kilusan ng mga Artisanong Mangingisda sa Pilipinas, limitado na lamang ang kanilang pangingisda dahilan ng kanilang mababang kinikita.

Nagiging pahirap lamang ito sakanila dahil napipilitan silang pumalaot sa malayong bahagi ng kagatan subalit, karagdagang gastos lamang ito sakanila.

--Ads--

Hindi naman magawang makapagharvest ng mga nag-aalaga ng tahong o shellfish.

Kasunod pa ng epekto ng localized red tide, bumaba ang farm gate ng isda sa merkado dahil maaaring kontaminado ito ng langis.

Maliban din sa kanilang sektor, apektado din ang mga residente at mga negosyo na malapit sa Oil Spill.

Samantala, hinihiling naman ni Ballon sa gobyerno na magkaroon ng epektibong polisiya sapagkat hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari ito.

Aniya, sa mga ganitong sitwasyon ay hindi din nawawala ang paghatid ng gobyerno ng tulong para sa mga apektado.

Subalit, katulad sa nakasanayan, pantawid gutom lamang ito at hindi ang inaasahan solusyon sa problema.

Ang nais ng kanilang kilusan ay ang tuluyang maiwasan ang parehong insidente upang hindi maapektuhan ang kanilang hanapbuhay.

Dahil dito, nagtutulungan ang iba’t ibang samahan at kilusan ng mga mangingisda upang magpaabot ng tulong sa mga apektado.