DAGUPAN CITY—Hindi sang-ayon ang sektor ng agrikultura sa pahayag ng pamahalaan na nananatiling normal ang sitwasyon ng merkado sa kabila ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis at bilihin.
Ayon kay Ariel Casilao ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, malayo ang aktuwal na kalagayan sa datos na inilalabas ng pamahalaan.
Aniya, hindi malinaw kung saan kinukuha ang mga numerong ito, ngunit tiyak umano na hindi ito nagmumula sa mga magsasaka at lokal na pamilihan.
Babala niya, hindi lamang agrikultura ang maaapektuhan kundi maging ang poultry at iba pang sektor, dahil sa nakaambang malawakang pagtaas ng presyo sa mga susunod na araw.
Hindi rin umano sapat ang subsidiya ng pamahalaan na nagkakahalaga lamang ng dalawa hanggang dalawa’t kalahating libong piso.
Kinuwestiyon din ng grupo ang datos ng Department of Agriculture hinggil sa bilang ng mga nasa sektor.
Ayon sa kanila, mas malapit sa siyam na milyong katao ang aktuwal na bilang, kumpara sa mahigit apat na milyong tinatayang bilang ng ahensya.
Nanawagan ang grupo sa agarang aksyon, kabilang ang pagtanggal ng excise tax sa langis at pagrerepaso sa Oil Deregulation Law.
Babala nila, kung magpapatuloy ang sitwasyon, posibleng wala nang magsasakang magtatanim at bababa ang lokal na produksyon.
Iginiit ng grupo na sa gitna ng kawalan ng malinaw na tugon mula sa pamahalaan, patuloy na tumitindi ang sentimyento ng mamamayan.










