Hindi bababa sa 800 katao ang nasawi at mahigit 2,500 ang nasugatan matapos ang isang malakas na lindol na yumanig sa silangang Afghanistan, batay sa pinakahuling ulat.

Ayon sa US Geological Survey (USGS), tumama ang lindol na may lakas na 6.0 magnitude ilang sandali bago maghatinggabi, malapit sa hangganan ng Afghanistan at Pakistan.

Dahil sa lindol, gumuho ang mga kabahayang yari sa putik at kahoy, na naging sanhi ng maraming pagkamatay at pinsala.

--Ads--

Agad na nagpadala ng mga helikopter ang mga awtoridad upang i-evacuate ang mga sugatan sa mga ospital at ligtas na lugar.

Iniulat din na naramdaman ang aftershocks hindi lamang sa Pakistan kundi maging sa malalayong lugar gaya ng India.

Patuloy naman ang rescue operations sa mga apektadong lugar, ngunit inaasahang mahirap ang pagtugon dahil sa liblib at bundok-bundok na mga komunidad.

Patuloy rin na nananawagan ng tulong ang mga opisyal para sa mga nasalanta ng sakuna.