Hindi bababa sa 50 overseas Filipino workers o OFWs sa Bang Kapi district sa Bangkok, Thailand ang naapektuhan ng malawakang pagbaha matapos ang tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon kay Lyza Lipata Gumatay, Bombo International News Correspondent sa Thailand, marami sa mga kababayan ang na-trap sa isang apartment building dahil sa mataas na tubig-baha. Sa kabila nito, napipilitan ang ilan na lumusong sa baha upang makabili ng pagkain para sa kanilang pamilya. Humihingi rin sila ng tulong sa Philippine Embassy sa Thailand para sa kanilang kaligtasan at pangangailangan.
Sa kabuuan, hindi bababa sa 23 katao na ang nasawi at nasa 940,000 kabahayan ang naapektuhan ng malawakang pagbaha sa Thailand. Naitala rin ang landslide sa Tak Province, kung saan ilang sasakyan ang natabunan ng gumuhong lupa. Dahil dito, isinara muna ang bahagi ng highway para sa mga motorista at turista.
Inaasahang magpapatuloy ang pag-ulan hanggang October 4.
Patuloy naman ang rescue, clearing at relief operations ng mga awtoridad, habang pinapayuhan ang mga residente sa mga lugar na nasa panganib ng flash flood at landslide na manatiling alerto at lumikas kung kinakailangan.










