DAGUPAN CITY- Sugatan ang hindi bababa sa 33 katao sa Japan at isa naman ang nasa seryosong kalagayan matapos makaranas ng 7.6 Magnitude Earthquake.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Hannah Galvez, Bombo International News Correspondent sa Japan, nagkaroon naman ng paglikas sa halos 14,000 katao sa Hokkaido at inilipat ang mga ito sa mas mataas na bahagi ng lugar.

Bukod riyan, umabot sa 90,000 residente ang binigyan ng kautusang lumikas para sa kanilang kaligtasan.

--Ads--

Aniya, sa lakas ng pagyanig, agad naglabas ng tsunami warning ang Japan Meterological Agency (JMA) at binawi rin ito kinagabihan lamang.

Naibalita naman sa local media ang isang insidente ng sunog dahil maaaring naapektuhan ng pagyanig ang gas heater ng isang bahay.

Kinansela naman ang pasok sa mga paaraalan at ilang mga flights.

Naging mabilis naman ang pagresponde ng Office of the Prime Minister at agad nagkaroon ng Crisis Management.

Pinaalalahan umano ang publiko na maging alerto dahil bago pa ang naturang pagyanig ay nakararanas na sila ng mahihinang paglindol.

Samantala, naramdaman ang pagyanig mula Hokkaido hanggang Chiba Prefecture.