Hindi bababa sa 31 katao ang nasawi at mahigit 170 ang nasugatan matapos maglunsad ng marahas na pag-atake ang isang armado sa isang Shi’ite Muslim mosque sa Islamabad noong Biyernes.

Ayon sa mga awtoridad, pinaputukan muna ng salarin ang mga guwardiya sa labas ng Khadija Tul Kubra Imambargah bago nito pinasabog ang isang suicide bomb habang tinangka nitong pumasok sa loob ng mosque compound na matatagpuan sa labas ng lungsod.

Inako ng Islamic State (IS) ang responsibilidad sa pag-atake sa pamamagitan ng pahayag sa kanilang Telegram channel.

--Ads--

Naglabas din ang grupo ng isang larawan na umano’y nagpapakita sa salarin na may hawak na baril at nakatakip ang mukha.

Ayon sa mga nakaligtas, narinig muna ang sunod-sunod na putok ng baril, at ilang segundo lamang ang lumipas ay sumabog ang bomba, ilang sandali matapos magsimula ang panalangin.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang pinaigting ang seguridad sa iba pang lugar ng pagsamba sa lungsod.