Hindi bababa sa 30 katao ang nasawi matapos salakayin ng mga armadong lalaki na sakay ng mga motorsiklo ang tatlong nayon sa hilagang-kanlurang bahagi ng Niger State sa Nigeria noong madaling-araw ng Sabado.

Naganap ang mga pag-atake sa mga komunidad sa loob ng Borgu Local Government Area, malapit sa hangganan ng Benin.

Iniuugnay ang serye ng paglusob sa mga tinaguriang “bandido” na patuloy na nagsasagawa ng mga madudugong pag-atake at pangingidnap kapalit ng ransom sa hilagang bahagi ng bansa.

--Ads--

Kinumpirma ni Wasiu Abiodun, tagapagsalita ng pulisya sa Niger State, ang pag-atake sa nayon ng Tunga-Makeri kung saan anim na katao ang nasawi.

Ayon sa kanya, ilang bahay ang sinunog at may hindi pa matukoy na bilang ng mga residente ang dinukot ng mga salarin.

Dagdag pa niya, nagtungo rin ang mga armadong lalaki sa kalapit na nayon ng Konkoso, habang patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang iba pang detalye ng mga insidente.