Hindi bababa sa 24 katao ang nasawi habang mahigit 70 naman ang nasugatan matapos sumabog ang isang bomba sa shuttle train na sakay ang mga security personnel at kanilang mga pamilya sa lalawigan ng Balochistan sa Pakistan.
Ayon sa mga opisyal, nangyari ang pagsabog malapit sa riles sa kabisera ng Quetta. Dahil dito, nadiskaril ang makina ng tren at ilang bagon ang tumagilid.
Inako ng separatist militant group na Baloch Liberation Army (BLA) ang pag-atake at sinabing isa itong suicide bombing.
Makikita sa mga larawan mula sa lugar ang mga nasunog na sasakyan, sirang gusali, at mga bakal at debris na nagkalat malapit sa riles.
Kinondena ni Prime Minister Shehbaz Sharif ang insidente at nagpahayag ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima.
Patuloy ang operasyon ng mga awtoridad sa Balochistan, isang lugar na matagal nang nakararanas ng mga pag-atake mula sa mga separatist group.










