Dagupan City – Mahigit ₱2.7 milyon halaga ng hinihinalang shabu, 3 mga baril, at iba pang ebidensiya ang nakumpiska ng mga kapulisan ng Pampanga sa isang buy-bust operation na isinagawa sa Brgy. Cabetican sa bayan ng Bacolor na ikinahuli ng apat na suspek.

Ayon sa pulisya ng Pampanga Police Provincial Office (PPPO) sa pamumuno ni Provincial Police Director PCol Jay C. Dimaandal na ang operasyon ay naaayon sa pambansang kampanya laban sa iligal na droga, iligal na armas, at mga paglabag na may kaugnayan sa eleksyon, at binigyang-diin niya na ang pagpapatupad ng election gun ban ay mahalaga sa pagtataguyod ng isang kapaligiran ng patas at walang karahasan sa panahon ng proseso ng eleksyon.

Pinangunahan ang operasyon ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Pampanga PPO, katuwang ang Provincial Intelligence Unit at ang Bacolor Municipal Police Station (MPS), sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 3.

--Ads--

Nakumpiska sa operasyon ang tinatayang 402 gramo ng hinihinalang shabu, na may standard drug price na ₱2,733,600.

Kasama rin sa mga nakumpiskang gamit ay ang 3 baril na kinabibilanhan ng isang (1) Para Ordnance caliber .45 pistol, isang (1) caliber .45 magazine na may tatlong (3) bala, at isang (1) Colt Trooper MK-III caliber .38 revolver na may tatlong (3) bala habang ang iba pang ebidensya ay nakuha sa mga ito gaya ng isang (1) kulay gray na selpon, at isang (1) kulay gray na kotse.

Susuriin pa ang mga nakumpiskang armas upang matukoy kung rehistrado ba ito o may kaugnayan sa posibleng iba pang krimen.

Inihahanda na ang mga kaso laban sa mga suspek dahil mahaharap ang mga ito sa paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at sa Omnibus Election Code, na nakapaloob sa Comelec Gun Ban.