Mahigit kalahating Milyong pasahero sa Japan ang naapektuhan sa kanilang pagbibiyahe matapos magkasunog ang isang transformer malapit sa Tamachi Station sa Tokyo kahapon.

Ayon kay Hannah Galvez, Bombo International News Correspondent sa Japan, ang insidente ay nagdulot ng malawakang power outage na nakaapekto sa operasyon ng East Japan Railway Company (JR East).

Dahil dito, biglaang huminto ang ilang tren sa gitna ng biyahe, na ikinagulat at ikinabahala ng mga pasahero, lalo na’t naganap ito sa oras ng rush hour.

--Ads--

Ani Galvez, kritikal ang sistema ng tren sa Japan kaya kapag may isang tren na nagkaaberya, nagkakaroon ito ng domino effect sa iba pang linya.

Dahil sa insidente, napilitan ang ilang pasahero na bumaba ng tren at maglakad sa kahabaan ng riles, sa tulong ng mga bumbero at emergency responders.

Bagama’t nag-alok ang mga awtoridad ng mga alternatibong biyahe, hindi pa rin nito agad na-accommodate ang dami ng mga apektadong pasahero.

Sa kabila ng insidente, agad ding naibalik ang operasyon ng mga tren.

Lumalabas naman na ang sunog ay nagmula sa isang transformer malapit sa istasyon na siyang naging sanhi ng pansamantalang pagkawala ng kuryente sa ilang bahagi ng rail system.