DAGUPAN CITY – Nasamsam ang higit P600,000 halaga ng illegal na droga sa 2 indibidwal na tinaguriang high value target sa bayan ng Sison na tinaguriang high value target.
Ayon kay Plt. Randy Navarro ang PIO ng Sison Municipal Police Station na naaresto kamakailan ang 2 personalidad sa ikinasang anti-illegal buy bust operations sa Barangay Agat partikular malapit sa Agat-Dungon Bypass Road sa nasabing bayan na pinangunahan ng Regional Drug Enforcement Unit 1 at ilang mga law enforcement agencies kasama ang kanilang personnel.
Aniya na kinilala ang mga nahuling suspek na isang limampu’t tatlong taong gulang na lalaking residente ng Barangay Poblacion East sa bayan ng Umingan, at isang apatnapu’t anim na taong gulang na lalaking residente naman sa Poblacion West sa kaparehong bayan.
Nakuha sa mga ito ang nasa 10 piraso na heat sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit kumulang 100 gramo na tinatayang may market value na aabot sa 680, 000 pesos kasama ang ilan pang mga drug paraphernalia.
Dahil dito, nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dagdag nito na ang 2 suspek ay may dati na umanong naging kaso kung saan ang isang suspek ay nakasuhan na ng Robbery Extortion noong 2014 habang ang isa ay nakasuhan na din ng Section 5 for selling drugs batay sa Republic Act 9165 noong 2011.
Ito umano ang pangalawang kaso na may nahuli tungkol sa illegal na droga kung saan ang nauna dito ay noong nakaraang Mayo na halos lahat umano na kanilang nahuhuli ay mga dayo o taga-ibang lugar.
Samantala, kasalukuyan paring nananatiling drug cleared Municipality ang bayan ng Sison ngunit patuloy parin ang kanilang laban kontra illegal na droga lalo na ang pagpapaalala sa kanilang mga kababayan kung may kahina-hinalang napapansin na dapat isumbong sa kanilang himpilan para agad matugunan.
Sa kabilang banda, naging maayos naman umano ang naging daloy ng filing of candidacy sa kanilang nasasakupan.