DAGUPAN CITY- Arestado ang dalawang indibidwal kaninang madaling araw lamang sa ikinasang buy-bust operation sa By-Pass road ng Brgy. Barraca, sa bayan ng Villasis matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu na hindi bababa sa halagang P50,000.

Ayon kay PCpt. Froilan Ofiana, Deputy Chief of Police ng Villasis PNP, timbog sina Manuel Balverde, 34 anyos, isang driver, at si Bernardo Muñoz Jr., 39 anyos, isang painter, at parehong residente ng Brgy. Citrus, San Jose del Monte Bulacan.

Aniya, nahuli sa aktong binentahan ng mga ito ang poseur buyer ng hinihinalang shabu na may bigat na 1.6 gramo at nagkakahalagang P10,880.

--Ads--

Nang kapkapan naman ang mga ito, nakumpiskahan si Balverde ng 5 pang sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 4.7 gramo at nagkakahalagang P31,960. Maliban diyan, nakuha din sa suspek ang 1 piraso ng P100 dusted money bill, 5 pirado ng P1,000 boodle money, 3 piraso ng P500 boodle money, 2 piraso din ng P100 boodle money, at isang cellphone.

Habang nakumpiskahan din si Muñoz ng 3 pang pirasong sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 3 gramo at may halagang P20,400. Maliban diyan, nakuhanan din ito ng isang hindi lisensyadong Caliber 48 revolver.

Ani PCpt. Ofiana, nahaharap ang mga ito sa paglabag ng Republic Act no.9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”, at Republic Act no. 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”.