Pumalo na sa mahigit kalahating milyong katao ang apektado sa pinagsamang epekto ng habagat at nagdaang bagyong Luis at Maymay.
Sa pinakahuling situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) umaga nitong Lunes, Agosto 10, kabuuang 585,993 indibidwal o katumbas ng 170, 593 pamilya ang naapektuhan ng kalamidad sa siyam na rehiyon.
Umabot naman sa mahigit 4,800 indibidwal ang isinailalim sa pre-emptive evacuation sa Region I, III, Calabarzon at Mimaropa.
Na-displace ang mahigit 32,000 katao habang nananatili sa evacuation centers o sa kanilang kaanak ang 293 na iba pa.
Sa kasalukuyan, walong katao na ang napaulat na nasawi, siyam ang nasugatan habang mayroon pang isang indibidwal na nawawala.
Nagpapatuloy naman ang isinasagawang validation ng konseho sa mga napaulat na nasawi sa kalamidad.
Kinumpirma naman ng konseho ang ilang mga insidente kaugnay ng epekto ng mga tumamang kalamidad sa bansa kabilang ang pagkalubog sa baha ng 635 na lugar, pagguho ng lupa, insidente ng electrocution o pagkakakuryente, pagguho ng mga istruktura, may naitala ring buhawi o mapaminsalang hangin at iba pang insidente.










